6 na Mensahe sa Iglesia ni Pastor Brani Duyon

6 na Mensahe sa Iglesia

Mahimalang Pagpapagaling at isang Banal na Paanyaya Patungong Langit

   

By: Pastor Brani Duyon

Panimula:

Noong Mayo 2006, isang lingkod ng Diyos ang dinala sa Langit upang makita at makausap ang Panginoong Jesus at makatanggap ng 6 na mensahe bilang kapahayagan. Si Brani Duyon Efendie, 52 taong gulang, mula sa lahi ng Dusun. Siya ay nagsisilbi sa Borneo Evangelic Church, Kota Belud, Sabah (sa Silangang Malaysia) bilang isang Elder. Siya ay naging Pastor rin sa Melangkap

Bary, Kota Belud, at kinalauna’y naging Church Leader sa the SIB Bayayat mula 2005-2006. Noong Abril 21, 2006, ako at ang aking may-bahay ay nagpunta sa Kanlurang Malaysia para sa kasal ng aming anak na lalaki. Sa kasamaang-palad, makalipas ang isang lingo ay ako ay biglaang na-stroke. Ako ay dali-dali nilang dinala sa isang medical centre sa Malaya University at doon ay sinuri ako ng doctor. Sinabi niya na may mga pumutok na blood cells sa aking utak at kailangan kong maoperahan agad.

Ako ay na-comatose sa loob ng isang linggo matapos ang operasyon at nasa ICU (intensive care unit) sa loob ng isang buwan.

Maraming lingkod ng Diyos ang bumisita sa akin at ipinanalangin ako, kasama na ang dating SIB Sabah President—Pastor Taipin Melidoi, ang kanyang assistant—Pastor Datuk Arun Selutan, at si Pastor Michael.

Napanaginipan kong ako ay binubuhusan ng malakas na ulan. Ito ay aking binigyang pakahulugan na ito ang sagot sa mga panalangin ng mga Pastor na nanalangin sa paggaling ko. Purihin ang Diyos, dahil sa Kanyang kapangyarihan, ako ay naka-recover ng mas maaga kaysa inaasahan.

Isang hating-gabi, noong ikatlong lingo ng Mayo 2006, may kakaiba akong naramdaman. Hindi ako makatulog, habang ang ibang mga pasyente ay mahimbing namang natutulog. Sa panahong ito, si Jesus lamang ang tanging laman ng isipan ko. Bumalik sa aking ala-ala ang nasusulat sa Isaias 43:26

Magharap tayo sa hukuman, patunayan mong ikaw ay may katuwiran.” Paulit-ulit kong iniisip ang mga salitang ito dahil nais kong ang Panginoong Jesus lamang ang maging laman ng aking isipan. Nararamdaman ko ang matinding presensiya ng Diyos nung mga panahong iyon.

Nagsimula akong manalangin sa espirito. Matapos akong manalangin, sinubukan kong matulog muli ngunit hindi talaga ako makatulog. Kaya sumandal ako sa aking higaan. Bigla kong naramdaman na parang may tumatapik sa aking likuran at hinihimas ang aking ulo. Nangyari ito sa loob ng ilang sandali. Naramdaman kong may kakaibang dumadaloy sa aking katawan. Naniniwala akong ito ang pagmamahal ng Ama sa kanyang anak. Inisip ko kung sino kaya ito. Nang humarap ako sa kanya, nagulat ako sa aking nakita dahil isa siyang bata at gwapong lalaki, maganda ang pangangatawan, matangkad na may mahabang buhok na umaabot sa kanyang leeg. Nakasuot siya ng isang puting damit. Tinanong ko siya, “ikaw ba ang Panginoon na laman ng isip ko?” Umiling siya. Kaya nagtanong ulit ako, “kung hindi, sino ka?” Sa wakas, sumagot siya at sinabi sa akin “Ako ay isang mensahero mula sa Langit. Sinabi ni Jesus na pumunta ako sa iyo upang magdala ng magandang balita.”

Ngayon ko napagtanto na isa siyang Anghel ng Diyos, kaya muli akong nagtanong, “ano ang magandang balita na nais mong sabihin sa akin?” Sumagot siya, “ngayong gabi, pupunta ka sa Langit.” Bigla akong nakaramdaman ng kapayapaan bagama’t ang aking katawan ay may karamdaman. Pakiramdam ko wala akong sakit. Ako ay tuluyang gumaling magmula nang sabihin ng Anghel na ako ay pupunta sa Langit. Kaya sinabi ko sa Anghel, “Handa na akong sumama sa Langit. Hindi na ako makapaghintay na makita ang aking Panginoon.”

Habang kami ay naglalakad, nakita ko ang aking katawan na naiwan sa aking kama. Nang makalabas kami ng ospital, nakakita ako ng malaki at matangkad na kabayo. “Sasakay tayo sa kabayong ito,” sabi ng Anghel. Inalalayan ako ng Anghel sa pagsakay sa kabayo dahil matangkad ito. Tinanong ko ang Anghel, “makakapunta ba tayo sa Langit sakay ng kabayong ito?” Binigyang kapanatagan ako ng Anghel na nagwikang, “Siyempre naman. Huwag kang matakot at mag-alala. Hindi ba’t nasusulat sa Salita ng Diyos ang tungkol kay Elias na dinala ng Diyos sa Langit? Sinabi ko sa kanya “Oo, nabasa ko na iyon dati. Ang sasakyang nagdala sa kanya ay isang nag-aapoy na karwaheng hinahatak ng mga nag-aapoy na kabayo.” “Tama iyon, at isa sa mga kabayong iyon ang sasakyan natin ngayon,” sabi ng Anghel.

Sa simula mabagal ang pagtakbo namin, ngunit pagkalagpas ng 100 metro ay biglang bumilis ng nakapakabilis ang aming pagtakbo, animo’y tinamaan kami ng isang ipu-ipo. Nakita ko ang kabayo na lumilipad na. Dumaan kami sa mga kabundukan ng walang kahirap-hirap, lumilipad sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

Nakarating kami sa isang malawak na pastulan na may luntiang damo—perpekto ang lugar na iyon, ni walang isa mang tuyong damo. (Awit 23:2 “pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan, at inaakay niya sa tahimik na batisan”). Nang tumigil na ang kabayo, bumaba kami at nagsimulang maglakad.

Kitang-kita ko ang Kaharian ng Diyos sa aking harapan. Habang naglalakad kami sa pastulan, narinig kong tumunog ang kampana. Tinanong ko ang Anghel “bakit tumutunog ang kampana?” Sinabi niya “ang kampana ay senyales na may dumating na.”

Patuloy kami sa paglalakad hanggang makarating sa dulo ng pastulan, habang patuloy sa pagtunog ang kampana. Nakakita ako ng isang napakagandang bahay, sa ibabaw nito ay may pulang ilaw, tulad ng ilaw-trapiko. Sa ilaw na ito may nakasulat na numero “51”. Tinanong ko ang Anghel kung ano ang ibig sabihin ng numerong ito. Sinabi niya, “ano na ang edad mo ngayon?” Ako ay 51 taong gulang nang mangyari ito. “Ang numero ng iyong edad rin ang numero ng bahay mo rito,” sabi ng Anghel sa akin. Napuno ako ng kaligayahan at kapayapaan nang makita ko ang inihanda ng Diyos para sa akin sa Langit. Nakakita ako ng maraming mga bahay na inihanda ni Jesus para sa kanyang mga anak na sumasampalataya at sumusunod sa Kanya.

Nagpatuloy kami sa paglalakad patungo sa isang napakalaking bahay, na maraming tao sa loob. Naniniwala akong sila ay ang mga banal na taong pinili ng Diyos. Lahat sila ay nagpupuri sa Diyos.

Nakita kong nakaupo si Jesus sa Kanyang trono habang ang lahat ay nagpupuri at sumasamba sa Kanya. Pinupuri nila Siya ng kanilang buong puso, sumasayaw sila, itinataas ang kanilang mga kamay at lumuluhod sa Kanya. Mula sa kaibuturan ng aking puso ay nasabi kong “kung ang lahat ng tao sa mundo ay magpupuri at sasamba sa Diyos ng ganito, labis na masisiyahan ang Diyos.”

Nakakita ako ng mga taong umiiyak habang nagpupuri sa Diyos. Nakangiti si Jesus habang nakikita kung papaano sila buong pusong sumasamba sa Diyos. Itinataas nila ang kanilang mga kamay kay Jesus at si Jesus ay nagbibigay sa kanila ng pagpapala. Nang matapos ito, lumapit si Jesus sa kanila at pinahid ang kanilang mga luha. Bumalik sa aking isipan ang isang talata sa aklat ng Pahayag, “Wala nang kamatayan, dalamhati, pag-tangis, at paghihirap.”

Dinala ako ng Anghel kay Jesus. Nagsabi ang Anghel kay Jesus “Panginoon, narito na po ang iyong anak na pinili Mong pumarito.” Sinabi ni Jesus sa akin, “Magaling! Anak ko dumating ka na ngayon”. Niyakap ako ni Jesus at ako ay napaiyak sa tuwa at kapayapaan. Lumulukso sa kaligayahan ang aking puso dahil mismong si Jesus ang yumakap sa akin.

Sinabi ng Anghel, “Panginoon, nagtungo po ako sa kanyang bahay sa sanlibutan noong may sakit siya, ngunit ngayon siya ay mas mabuti na ang kalagayan.” Sumagot si Jesus, “Oo, narinig at nakita Ko kung ano ang nangyari sa kanya.” Nagpatuloy ang Anghel,“noong mga panahong iyon, narinig ko pong nananalangin ang kanyang asawa at humihingi ng Inyong tulong. Sa kanyang panalangin sinabi niyang: “Panginoon, tulungan Mo po kami, huwag Mo po muna siyang kunin sa amin ngayon dahil hindi pa po kami handing mawala siya sa amin.” Iyon po ang panalangin niya Panginoon.” Sumagot muli si Jesus, “Nalalaman ko ang lahat ng bagay. Ang kanyang asawa ay tunay na may takot sa Diyos. Siya ay matapat sa Akin at palagiang nananalangin.” Muling umiyak ang aking kaluluwa dahil naaalala ko ang katapatan ng aking asawa sa Diyos.

Nangusap ang Diyos sa akin, “Anak Ko, babalik kang muli sa Mundo dahil hindi mo pa oras upang manatili rito. Marami Akong iaatas sa iyo pagbalik mo doon. Magiging lubhang abala ka sa paglilingkod sa Akin.” Ngunit ganito ang aking naging tugon, “Panginoon, nakikiusap po ako na huwag Mo na po akong pabalikin doon, dahil nais kong manatili sa mapayapang lugar na ito na kasama Ka. Napakasayang makasama ka dito Panginoon. Nakikiusap po ako, ayaw ko na pong bumalik.”

Makikita sa Kanyang mukha ang Kanyang pagkadismaya. Kaya ako ay nagmaka-awa upang patawarin Niya sa aking naging asal, na siyang naging dahilan ng Kanyang pagkadismaya. Sinabi ko “Panginoon, handa na po akong muling bumalik sa Mundo, ngunit Panginoon, bigyan Mo po ako ng lakas at ingatan Mo po ako saan man ako magpunta. Samahan Mo po ako Panginoon. Kaya sumagot si Jesus, “Oo, huwag kang mag-alala, saan ka man mapunta sa paglilingkod sa Akin, Ako ay laging kasama Mo.”

Si Jesus ay may mga mensaheng nais niyang ibalita ko sa Mundo. Nais Niyang sabihin ang mga mensaheng ito sa mga anak ng Diyos sa Mundo. “Napakahalagang malaman nila ng mga mensaheng ito”, sabi ni Jesus. Sinabi Niya sa akin na lubha akong magiging abala sa pagpapakalat ng mga mensaheng ito. Nais din ni Jesus na ibahagi ko sa lahat ng mga anak ng Diyos ang mga naranasan ko sa Langit upang sila rin ay mapagpala at magkaroon ng panibagong lakas sa pagsunod sa Kanya.

Nangusap si Jesus sa akin, “pagbalik mo sa mundo sabihin mo ang mga ito sa Aking mga anak” (May ANIM NA MENSAHENG ibinigay si Jesus sa akin):

 

UNANG MENSAHE:

“Sabihin mo sa Aking Mga Anak, sila ay dapat sumampalataya sa Akin, ng kanilang buong puso, buong kalakasan at kanilang buong pag-iisip. Lahat ng mga may pag-aalala, pag-aalinlangan at pagdududa ay hindi makapaparito.” said the Lord Jesus.


IKALAWANG MENSAHE:

“Sabihin mo sa Aking Mga Anak, dapat na maging matapat sila sa pagdalo sa mga pagtitipon sa Simbahan, sapagkat yaon ang pagkakataong Ako ay magliliwanag sa kanilang mga mukha at hahanapin nila ang Aking mukha. Ako ay lubhang nalulugod sa Aking mga anak na sumasamba sa Bahay Sambahan” sabi ng Panginoong Jesus


IKATLONG MENSAHE:

“Sabihin mo sa Aking Mga Anak, sila ay dapat na matapat sa pananalangin; sundin ang Kalooban Ko, at mamuhay ng naaayon sa Aking mga salita,” sabi ng Panginoong Jesus.


IKA-APAT NA MENSAHE:

“Sabihin mo sa Aking Mga Anak, na sila ay dapat na maging matapat at masunurin sa pagbibigay ng kanilang mga ikapo (ika-sampung bahagi ng kanilang kita) at mga kaloob,” sabi ng Panginoong Jesus.

(Habang ibinibigay ni Jesus sa akin ang mensaheng ito, sinabi Niya “Anak Ko, tingnan mo”

Ipinakita Niya sa akin ang mga naggagandahang mga bahay na Kanyang inihanda para sa Kanyang mga anak. “Anak Ko, handa na ang mga tahanang ito; inihanda Ko ang mga ito para sa Aking mga anak na naniniwala at sumasampalataya sa Akin, at sumusunod sa Aking mga ipinaguutos.” Ipinakita rin Niya sa akin ang mga bahay na hindi pa tapos ang pagkakagawa. Nagtanong ako “Panginoon, bakit po hindi pa tapos ang pagkakagawa sa mga bahay na ito?” Sinabi ng Panginoong Jesus “Anak Ko, ang mga bahay na ito ay sa mga anak Kong hindi mapagbigay sa kanilang mga ikapo (ika-sampung bahagi ng kanilang kita) at mga kaloob. Magiging handa lamang ang mga tahanang ito kung ang Aking mga anak na ito ay magbibigay ng mas maraming ikapo at handog sa Aking Tahanan.”


IKALIMANG MENSAHE:

“Sabihin mo sa Aking Mga Anak, na dapat nilang ibigay sa Akin sa pananalangin ang kanilang mga kayamanan at mga ari-arian, at ang mga ito’y Aking pangangalagaan, at sila’y pagpapalain ko habang sila’y nasa Mundo, upang sa Aking muling pagbabalik sa ikalawang pagkakataon ay hindi sila naka-akap (attached) sa kanilang mga kayamanan sa Mundo. Alalahanin ninyo ang nasasaad tungkol sa asawa ni Lot,” sabi ng Panginoong Jesus.


IKA-ANIM NA MENSAHE:

“Sabihin Mo sa Aking Mga Anak, na sila ay dapat maging handa at alerto, sapagkat Ako ay babalik na sa lalong madaling panahon. Mas maaga kaysa kanilang inaasahan!” sabi ng Panginoong Jesus.

(Walang nakaaalam kung kailan ang muling pagbabalik niJesus’, ngunit siguradong mangyayari ang Rapture. Darating nang muli sa lalong madaling panahon ang Panginoong Jesus!!!)

Habang sinasabi ni Jesus sa akin ang nilalaman ng ika-anim na mensahe, ipinakita Niya sa akin ang kalangitan, ito ay malinaw at walang kaulap-ulap. Nakita kong binuksan ni Jesus ang kanyang mga kamay sa Mundo at nagsabing “Ako ay handa na para kunin ang Aking mga anak.” Nakita ko ang maraming mga tao na nakasuot ng puting damit na lumilipad patungong langit upang salubungin si Jesus. Sila ay nangagkatipon sa kanan at sa kaliwa ni Jesus. Maraming mga sumampalataya kay Jesus ang nakasama sa rapture. Bukod pa rito, may nakita akong ang halos lahat ng mga miyembro ng mga pamilya ang nakasama sa rapture. Nakita kong kasama ng mga mag-asawa ang kanilang mga anak na lumilipad patungo kay Jesus. Nakaramdaman ako ng matinding kapayapaan habang pinanonood ito.

Muli sinabi ni Jesus, “tumingin ka sa ibaba”. Ipinakita ni Jesus sa akin ang nangyayari sa mga tao sa Mundo, at ito ay talagang puno ng kaguluhan. Walang kapayapaan sa Mundo sa panahong iyon. Nakikita ko ang mga tao sa tumatakbo kung saan-saan habang sumisigaw. Hinahanap ng mga magulang ang kanilang mga anak, at ang mga kabataan naman ay hinahanap din ang kanilang mga magulang.

Ipinakita ni Jesus sa akin ang aming Iglesia sa aming bayang pinagmulan. Nalungkot ako dahil may ilan sa mga miyembro ang naiwan.

Muli sinabi ni Jesus sa akin, “Maging matapat ka sa Akin. Kailangan mong ibahagi sa Aking Mga

Anak sa mundo ang lahat ng iyong mga nakita at narinig.”

Matapos ito ay dinala na ako ng Anghel pabalik sa Mundo sakay ng kabayong sinakyan naming papuntang Langit. Mabilis kaming nakabalik sa Mundo. Dinala na ako ng Anghel pabalik sa ospital. Habang tinitingnan ko ang aking katawan, mabilis na pumasok muli ang aking espirito sa katawan ko.

Napansin kong lubos na ang paggaling ng aking katawan mula sa aking naging karamdaman. Purihin ang Diyos dahil Siya’y makapangyarihan!

Naalala ko na habang ako’y nasa Langit, na ang aking katawan ay tulad noong katawan ko noong ako’y mas bata-bata pa.

Ito ang aking patotoo tungkol sa pagkikita namin ng Panginoong Jesus sa Langit.

 

 

Isinalin sa Tagalog ni Nellie Tan

Ika-15 ng Marso, 2013

E-mail: [email protected]

Credit in Behalf: www.DivineRevelations.info/TAGALOG

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.